Isang araw, nakatanggap ako ng email mula sa isang taong di ko kilala, na wala man lang nakasulat na subject. Ito ang nilalaman ng email:
"ate ria, bkt po konti lang ang mga kumukuha ng kursong education?"
Sa aking palagay, taliwas sa inaakala ng nagpadala ng email, maraming kumukuha ng kursong Education. Sa katunayan, pangalawa sa pinakamaraming kumukuha ng licensure exam ang mga nagnanais maging guro. Una siyempre ang nursing.
Maraming kumukuha ng kursong Education dahil gaya ng Nursing, maraming mga oportunidad sa labas ng Pilipinas para sa mga guro. Sa katunayan, may mga propesyonal na kumukuha ng mga "units" sa Education upang makapag-eksamin sila ng Licensure Exams for Teachers (LET).
Marami ring kumukuha ng kursong Education sapagkat maraming iba't-ibang asignatura dito, maaari kang mag-major sa Mathematics, English, Filipino, Science, Values Education, at kung anu-ano pa.
Ako man, kumuha rin ng kursong Education dahil gusto ko maging guro. Hindi upang maging guro sa ibang bansa, kung maging guro dito sa ating bansa. Dahil mahilig akong magsalita, at mahilig din ako sa Math at iba't-ibang asignatura, kaya naisipan kong kumuha ng kursong Education.
Di man ako guro ngayon na nagtuturo sa isang paaralan, sa loob ng silid-aralan, sa aking palagay nakakapagturo pa rin ako sa iba't-ibang paraan. Nagiging guro ako sa pamamagitan ng mga blogs ko. Nagiging guro ako kapag naiimbitahan akong mga tagapagsalita sa mga seminar. Iilan lamang ito sa mga okasyong nagiging guro ako.
Kaya dun sa ngapadala ng email, ito ang sagot ko, MARAMING KUMUKUHA NG KURSONG EDUKASYON.